EuroFilipino Journal Jan-March 2007
Filipinos in Spain
Home
Front page
Pater Noster, the voyage
UK Immigration Update
UK Filipino nurses seek job security - the American Dream
Appeal victory for immigration advisers
War in the Philippines, 1898
UK nursing seminar in the Philippines
My father's long-sleeves
Filipinos in Spain
Russian Market
News in Brief
b
c
Environment
Page Title
Page Title

by Gene Alcantara

Sari-Sari Store

Patuloy ang paglaki ng negosyo ng mag-asawang Edwin at Vangie Minglana dito sa Madrid, ang kapital ng bansang Espanya.

Ang kanilang Sari-Sari Store ay nasa Calle Valverde, isang bloke lamang ang layo mula sa bantog na kalyeng Gran Via sa sentro ng siyudad, kung kaya't madali itong puntahan ng mga Pinoy.

Bukod sa pagtitinda, mayroon din silang Spain-Phils Express money remittance at freight services, at nagpapaarkila din sila ng mga pelikula ng Star Records.

Si Vangie ang namamahala sa kanilang tindahan at tinutulungan naman siya dito ng kanyang ina, mga anak, pamangkin at bayaw, na pawang mga nasa Madrid na rin.

Si Edwin naman ang namamahala sa cargo business at kasama ng kapatid at bayaw ay naglilibot siya sa Madrid at mga kalapit-bayan upang mangolekta ng mga kahon at baul na ipinako-container papuntang Pilipinas.

Dalawampung taon na si Vangie sa Madrid at nagsimula bilang babysitter sa isang American family.

Makaraan ang limang taon kinuha na niya ang asawang si Edwin mula sa Rosales, Pangasinan at nagtrabaho sila sa isang bahay bilang couple.

Noon na rin niya naisipan na magnegosyo, at ngayon ay dinadayo sila ng daan-daang mga Pinoy lalo na kung Huwebes at Linggo kapag day-off ng mga ito.

Ayon kay Vangie Minglana, "After 5 years, may mga kaibigan ako...nagtatrabaho sa ahensiya de viaje...parang naano ako ang ganda ng trabaho nila... medyo nainggit ako tapos nag-try ako patinda-tinda ng Avon, mga ala-alahas, hanggang maano ko na ok pala ito hanggang marami nang kliyente. Medyo lumakas ang loob."

Patuloy ni Vangie, "Hindi kami sa Sari-Sari nagsimula. May maliit na cargo kami dati. May maliit na opisina kami, at nang marinig namin gusto nilang ipagbili ito iyon itinry namin, kinuha namin. Ok naman."

Mas gusto nina Vangie at Edwin ang katayuan nila ngayon dahil bukod sa mas magaan ang trabaho, mas mahusay pa ang feeling nila dito.

"Mas magaan... ang mahirap dito yung pakikisama sa employer na hindi naman iba kaya lang iba na yung pag inutusan ka, hindi naman yung bumababa yung dignidad mo, siyempre alam mong katulong ka kaya lang komportable kami dito," ayon kay Vangie.

Para kay Edwin naman, "... ang maganda lang dito wala kaming boss, kahit anong oras, parang hindi kami nagmamadali, sa amin ang business, sa amin ang oras, walang nagmamando sa amin, yon ang maganda."

Ang kompetisyon nila sa Madrid ay ang maraming mga Chinese groceries na halos kabi-kabila, nguni't matatag ang relasyon nila sa Pinoy community kaya hindi sila nababahala.

Dalawa na ang anak nila ni Edwin sa Madrid, at parehong marunong ang mga ito ng Tagalog at Ilokano, at mayroon na rin silang isang apo dito. Maligaya at masagana na ang buhay nila dito.

Ayon kay Edwin, "Ay sa totoo lang galing ako sa hirap e pero ngayon medyo angat ako ng kaunti, pero hindi yung angat na angat, nabibili ko na ang gusto ko, nagpapasalamat ako sa Diyos dahil naibigay lahat ito, wala na akong mahihiling pa."

Kung mayroon iba pang gustong sumubok sa pagnenegosyo sa Espanya, ilang bagay lang kailangan ayon kay Vangie.

"Of course talaga lakas ng loob, sipag at tiyaga, at number one yung pakikisama," sabi niya.

Mga Pinoy respetado sa Spain

Ipinagmamalaki ni Consul General Cookie Feria ng Embajada de Filipinas ang Filipino community sa Espanya.

Bukod kasi sa kanilang sipag at tiyaga sa trabaho, marami na rin sa kanila ang unti-unting nag-iisip ng negosyo upang umangat ang katatayuan.

Malakas din ang impact nila sa mga Kastila na mataas ang tingin sa kanila at humahanga sa kanilang dalang kultura sa bansang ito.

Maging ang matataas na opisyal sa pamahalaan ng Espanya ay mga Pinoy din ang hanap na empleyado kung mga pamilya nila ang pag-uusapan.

Dagdag niya, "Their employers also are the movers and shakers here diba. The mga govt officials here in Madrid, their employees are Filipinos... when the (city) President’s nurse stepped down, I got a phone call from the secretary of the President asking me to find a Pinay to take care of her parents. Doesn’t that say something great about us how Spanish think of FIlipinos..."

Tinatayang may mahigit mga 45,000 Pinoy sa buong Espanya at bagama’t marami sa kanila ang nagtatrabaho sa mga bahay-bahay, marami rin ang nagpapatakbo ng mga establishments dito na nagbibigay sa kanila ng idea at experience sa business.

Ayon kay Ms Feria - "It is a good indication of Filipinos trying to branch out from being employees to being employers and entrepreneurs, little by little they are growing, it’s a learning experience. You see that the establishments are basically one man operations you know and basically they are actually still catering to the Fil community; it would be nice to see them cater to the local community, the Spanish community, maybe by way of opening up restaurants, maybe other services for instance... A lot of Filipinos here we are the waiters in the restaurants or the cooks — why can’t they be the owners, they are the ones who practically run business... That would be the logical step."

Ayon kay Congen Feria ang importante lang dito ay marunong ka ng wikang Kastila upang makapag-business ka at makapag-take advantage sa mga suportang ibinibigay ng Spanish government sa mga migrante.

Ang wikang Kastila ay hindi mahirap para sa mga Pinoy dahil sa ating kasaysayan, at dahil mula high school hanggang kolehiyo ay pinag-aaralan natin ito sa Pilipinas.

Sa totoo lang nakatutuwang marinig na maging ang mga kabataang naglalaro ng basketball sa Madrid, pati ang mga manonood, ay Kastila ang usapan.

Ang Madrid ay puno rin ng mga bagay-bagay na Pinoy na mabibili halimbawa sa mga antique markets o shops tulad ng paintings, carvings, mga mapa atbp na dala ng mga Kastilang nanggaling sa atin noong unang panahon.

Mayroon din ditong mga permanent exhibits sa mga museo tungkol sa Pilipinas at ang mayaman nitong kultura.

Hindi rin mahirap ma-inspire ang mga Pinoy dito dahil magpunta lang sila sa Avenida de Filipinas, sa metro Islas Filipinas, ay makikita nila doon ang rebulto ni Dr Jose Rizal na replika ng nasa Luneta, at mababasa pa ang kabuuan ng kanyang tulang Mi Ultimo Adios sa Kastila at Filipino.

Kinumpirma naman ni Ambassador Joseph Bernardo ang magandang katatayuan ng mga Pinoy sa Espanya.

Ayon kay Ambassador Bernardo, "Napakagaling ng community natin dito. Wala tayong problema at iginagalang sila ng mga Kastila at mahal na mahal sila para silang miyembro ng mga pamilya."

Umaasa rin siya na lalong darami ang mga Filipino entrepreneurs sa Espanya pagdating ng araw. [gba]

Purika's Cafe & Snack Bar
 
Kung negosyong restoran ang pag-uusapan, marami ang humahanga sa family business ng mga Acain.

Mayroon silang isang restoran sa gitna ng Madrid sa Calle de Andres Borrego malapit sa Ministry of Justice, na puntahan ng mga Pinoy araw-araw.

Maliit lamang ito ngunit lagi itong puno lalo na kapag Huwebes o Linggo kapag day-off ng mga kababayan.

Bukod kasi sa masarap ang pagkain dito at mura lang ang halaga, may karaoke rin o kaya’y mga pelikulang napapanood.

Hindi naging madali ang simula ng mag-asawang Fred at Purika Acain na kapwa tubo sa Binalonan, Pangasinan.

Mahigit isang dekada rin silang nagtrabaho bilang mga nurses sa Saudi Arabia hanggang sa pumutok ang Gulf War.

Naiwan si Purika sa Saudi nang umuwi si Fred sa Pilipinas at dahil sa kawalan ng trabaho doon, naisip niyang magbakasakali sa Espanya noong 1992.

Ikinuwento ni Fred Acain ang simula niya sa Spain - "Pumunta ako dito ilegal. Ang visa namin ay from Hongkong to Portugal..Pagkatapos dumating kami dito sa Espanya na wala kaming papel... pero lumusot kami sa ibang lugar hanggang mapunta na kami dito sa Madrid. Tapos sa isang bahay nagtrabaho para makakuha ng papel... Nagkaroon ako ng visa then umuwi ako sa atin kinuha ko yung visa sa PI..."

Nang maayos ang sariling papel, gumawa naman si Fred ng letter of invitation para sa asawa at hindi nagtagal ay nakarating na rin si Purika dito at dito sila muling nagpasimula .

Ayon kay Purika, "Ngayon hindi ko rin naman magamit ang propesyon ko dito. Kaming mag-asawa nagtrabaho kami sa bahay hanggang sa magkaroon kami ng papel, pumirma ang senyora, hanggang sa magtrabaho kami sa isang company ng restaurant."

Dahil sa marunong siyang gumawa ng mga cakes, naging unang negosyo ito ni Purika at ngayon ay sa kanila umoorder ang mga Pinoy kapag may special occasions.

Sabi ni Purika, "Mga torta nila pero mga cake ng Spain frozen... yung mga cakes dito itinuro sa akin ng mister ko...pero yung doon sa nagstart ako natutuhan ko yan sa atin e siyempre yung mga ingredients sa Middle East at saka dito hindi pareho kaya adjust ako... pero naiadapt ko rin naman dahil ang nagdadala doon yung flavouring na galing sa atin."

Noong 2002 nakuha nila ang tatlong anak na lahat ngayon ay may sari-sariling trabaho, ngunit tumutulong pa rin ang mga ito sa mga magulang kung weekend. Sa katunayan naging investors pa ang mga ito sa Purika’s Cafe & Snack bar.

"Noong tinetrespaso (ang restoran) wala naman kaming ganong halaga... hindi kami makautang sa bangko... kinausap ko yung mga anak ko dahil meron silang ipon, pinagsama-sama namin. Yun ang ginamit namin kaya ngayon iyan," salaysay ni Purika.

Sa ngayon ay malapit nang mag-oath taking ang mag-asawa upang maging Spanish citizens, at masaya sila sa naging takbo ng kanilang buhay.

Sabi ni Fred - "Hindi kami nagsisisi dahil sa isang bagay e wala kaming amo, kami lang... hindi katulad sa ibang company... Mas maganda yung sarili, wala nang iba, kami ang amo."

Sagot naman ni Purika, "Nag-eenjoy naman kami dahil sa tingin naman ng mga anak ko kumikita kami, isa pa nakapag-ano din naman kami sa mga pangangailangan nila na galing na dito. At saka nahahasa na sila sa buhay halimbawa’y kung makaisip kaming mag-asawa magbakasyon na sa atin."